50 bahay tinupok ng apoy sa Bacoor, Cavite

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2017 09:33 AM

MAYNILA - Aabot sa 100 pamilya ang nawalan ng tirahan nang sumiklab ang sunog sa Barangay Niog Uno sa Bacoor, Cavite, Linggo, mag-a-alas-7:00 ng gabi.

Mabilis kumalat ang apoy sa may 50 dikit-dikit na bahay na gawa rin sa light materials, kaya agad ring itinaas ng mga awtoridad ang sunog sa ikaapat na alarma.

Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ng Bureau of Fire Protection sa Bacoor na nagsimula ang apoy sa unang palapag ng bahay ng isang Annalyn Soriano. Electric short circuit umano ang sanhi nito.

"Ginigising ako ng anak kong 3 years old. Naamoy ko, napabalikwas na lang ako... Lumiliyab na sa baba. binuhusan ko ang sahig, nataranta na ako," ani Soriano.
 
Higit kumulang isang oras din ang inabot bago naapula ng mga bombero ang apoy. Sa covered court muna ng katabing barangay nagpalipas ng gabi ang mga nasunugan.

Umaapela naman ng tulong ang mga nabiktima ng sunog. Pangunahing kailangan nila ang pagkain, kumot, at banig na matutulugan sa evacuation center.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.