'Kanang kamay' ng Cebu drug lord, tiklo sa Sorsogon

Erick Baldo, ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2016 04:09 PM

MANILA - Naaresto sa Matnog, Sorsogon ang pinsan at umano'y kanang kamay ni Jeffrey "Jaguar" Diaz, napaslang na hinihinalang drug lord ng Cebu. 

Nasakote ng mga awtoridad ang suspek na si Reynaldo Diaz, alyas James Tan, sa isang island resort nitong Sabado ng hapon. 

Ayon kay Senior Superintendet Ronaldo Cabral ng Sorsogon police, inihain nila kay Diaz ang isang warrant of arrest para sa frustrated murder at isa pang kasong kaugnay ng iligal na droga. 

Kasama ni Diaz sa resort ang anim na armadong lalaking nagpakilala umano bilang tauhan ng Department of Justice (DOJ). Binabantayan anila ang suspek bilang bahagi ng Witness Protection Program. 

Iniharap si Diaz kay Philippine National Police (PNP) Director Ronald "Bato" dela Rosa, Linggo ng umaga. 

Sinabi ni dela Rosa na ngayon lang nalaman ng pulisya na una na palang sumuko si Diaz sa DOJ at nasa ilalim na ng WPP. 

Umaasa si dela Rosa na makikipagtulungan ang testigo sa malalaking drug cases na iniimbestigahan ng DOJ. 

PAYOLA NG PULISYA

Itinanggi naman ni Diaz na dawit siya sa bentahan ng bawal na gamot, bagama't inamin niyang ipinagkatiwala sa kanya ng pinsan ang payola ng mga tiwaling pulis. 

"Alam ko lang 'yung transaction ni Jaguar, 'yung mga narco. Kasi kasagsagan ng 2011, nandoon pa ako sa Cebu. Kasama ko palagi si Jaguar, ipinagkatiwala niya sa akin 'yung payola ng mga pulis," ani Diaz. 

Dagdag niya, hindi siya sumuko sa PNP dahil sa takot na ipapatay siya ng mga taong tumanggap ng payola mula kay Jaguar. 

"'Yung mga taong tumatanggap ng payola ni Jaguar, 'yung pumatay kay Jaguar, iyun ang papatay sa akin. Hina-hunting na nila ako," sabi ng testigo. 

Sagot naman ni dela Rosa, "Wala kang tiwala sa akin." 

Hindi na pinangalan ni Diaz ang mga umano'y tumatanggap ng payola mula sa kanyang pinsan. 

Wala na rin anyang nagpatuloy sa negosyo ng hinihinalang drug lord mula nang mapatay ito ng mga pulis sa Las Piñas noong Hunyo. 

Una nang tinanggi ng pamilya ni "Jaguar" na isa siya sa umano'y pinakamalaking drug lord sa Visayas. 

Nakatakdang ilipat ng DOJ ang kustodiya kay Diaz sa PNP.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.