Chinese patay sa pamamaril ng riding-in-tandem

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2016 09:22 AM

MANILA - Patay ang isang Chinese national makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Binondo, Maynila, Sabado ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Hua Tian Shi, 28, na nagtamo ng sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Sinabayan ng dalawang lalaking naka-motorsiklo ang kotse ni Shi sa Tomas Mapua Street dakong alas 11:15 ng gabi, ayon kay police chief Inspector Leandro Gutierrez, commander ng Gandara police station.
 
Bigla na lang aniyang pinagbabaril ng mga suspek si Shi habang hindi naman tinamaan ang kasama niyang babae.

Kwento ng ilang residente sa lugar, walong putok ng baril ang narinig nila.

Naisugod pa sa ospital ang biktima, pero kalauna'y pumanaw rin.

Aalamin ng mga awtoridad kung may kinalaman ang pamamaril sa iligal na droga. Posible rin anilang mula sa grupo ng mga vigilante ang mga suspek.