Call center agent, patay sa pamamaril sa Pasay

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2017 07:58 AM

MANILA - Patay ang isang call center agent sa isang insidente ng pamamaril sa Pasay City madaling araw ng Linggo.

Natagpuang nakahandusay sa gilid ng service road sa Cuneta Astrodome sa Pasay City si Mark Collantes Borromeo, 38 anyos na call center agent ayon kay SPO2 Dennis Desalisa, imbestigador sa kaso.

Batay sa naging salaysay ni Ernesto Sarmiento, jeepney driver na nakakita sa krimen, pasado ala 1:30 ng madaling araw nang makita niyang hinahabol at pinapaputukan ang biktima ng tatlong hindi pa nakikilalang gunmen.

Nakorner sa may service road sa lugar at saka malapitang pinagbabaril ang biktima.

Nakalap sa crime scene ang sampung basyo ng bala habang natamaan rin ang ilang sasakyan na nakaparada sa lugar. Patuloy namang inaalam ng mga otoridad ang motibo sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.