Planta ng solar power sa Negros Occ, pinaputukan

Yasmin Pascual-Dormido, ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2017 03:03 PM

Butas-butas ang ilang solar panels sa Helios Solar Energy plant sa Cadiz City matapos paputukan ng mga hinihinalang rebelde. Philippine Army 62nd Infantry Battalion


Pinaputukan ng mga hinihinalang kasapi ng News People’s Army ang isang solar energy plant sa Negros Occidental nitong Huwebes ng gabi.

Ayon kay Chief Inspector Rocky Desear, nasa 10 armadong kalalakihan ang responsable sa pagpapaputok sa solar panels ng Helios Solar Energy plant sa Barangay Tinampa-an sa Cadiz City dakong alas-10 ng gabi.

Tinatayang 90 solar panels ang nasira sa insidente.

Nakakuha din ng mga basyo ng M-16 rifles, kalibre .45 pistola at M203.

Dagdag ni Desear, pumuwesto sa labas ng perimeter fence ang mga rebelde na armado ng high-powered na mga armas at mga granada.

Mahigit naman sa P2 milyon ang halaga ng pinsalang idinulot ng pamamaril, ayon kay Mayor Patrick Escalante.

Naniniwala si Col. Eliezer Losañes, commanding officer ng 303rd Brigade ng Philippine Army, na may kinalaman sa extortion ang insidente.

Hindi pa umano naglalabas ng pahayag ang management ng Helios Solar Energy Plant hinggil sa insidente.