Libo-libong deboto, nakiisa sa Pista ng Nuestra Señora de Peñafrancia sa Naga

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2017 10:13 PM

Libo-libong deboto ang nakiisa sa Pista ng Nuestra Señora de Peñafrancia sa Naga City ngayong Sabado.

Madaling araw pa lang nang magsimula ang selebrasiyon sa pamamagitan ng dawn procession ng mga babaeng deboto.
 
Isinara naman ang mga kalsada sa Naga bandang tanghali para sa mga debotong dadalo sa novena mass sa Naga Cathedral bago ang fluvial procession. 

Mula katedral, mga lalaking deboto o voyadores ang puwedeng magbuhat sa andas ng imahen ng "Divino Rostro," o Holy Face of Jesus, at ni Inang Peñafrancia.

Mga voyadores din ang nagsagwan para hilahin ang pagoda kung saan isinakay ang mga banal na imahen pabalik sa Basilica Minore.

Samantala, ipinatupad ang cellphone-signal interruption sa lugar mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-6 ng gabi upang matiyak ang seguridad. 

Inanunsiyo rin na magkakaroon muli ng regular na klase sa mga paaralan sa Naga sa darating na Lunes.

-- Ulat ni Kate Delovieres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.