Aabot sa 10-talampakang sawa, natagpuan sa Malabon

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2017 11:49 AM

MALABON CITY – Nagulat ang isang residente at ang anak nito nang may makitang malaking ahas sa loob ng kanilang bahay.

Bandang alas-2 ng madaling araw ay magluluto daw sana ng paninda ang anak ni Azusena Rodico nang makita ang isang sawa sa kisame ng bahay nila sa Barangay Potrero dito.

Ayon kay Rodico, mahigit-kumulang 10 talampakan ang haba ng ahas.

“Nagsisigaw nga 'yung anak ko eh. Sinarado raw iyong pintuan, baka makalabas,” ani Rodico.

Tinawag niya si Rogelio Cabanban, ang kaniyang kapitbahay, para magpatulong na alisin ang sawa. Ngunit tinuklaw ito matapos umanong saksakin ang ahas ng kutsilyo.

Hindi naman siya nangailangan ng anti-venom, dahil ang kagat ng mga sawa o python ay hindi nakalalason.

Makalipas ang ilang minuto ay dumating na ang mga opisyal ng barangay, at nagtulong-tulong sa pagtali sa bibig ng sawa at pagsilid nito sa sako.

Ayon kay Henry Ranay, executive officer ng Barangay Potrero, maaaring sa katabing ilog nanggaling ang sawa.

“Maaari pong sa ilog nanggaling 'yun. Umahon lang, kasi tabing ilog 'yung bahay,” aniya.

Dinala ang sawa sa malapit na wildlife rescue center na nakarehistro sa Bureau of Animal Industry.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.