Weekday sale, iiwasan muna ng mga mall sa holiday season

ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2017 02:34 PM

Napagkasunduan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga mall operator na huwag munang magkasa ng sale kapag weekday upang hindi makadagdag sa bigat ng trapiko ngayong holiday season.

Sa isinagawang diyalogo ngayong Biyernes, nakiusap ang ahensiya sa operators na kung maaari ay wala na munang weekday sale. Sa halip, gawin na lamang ito ng Sabado o Linggo.

Katwiran ng MMDA, humahaba ang pila ng sasakyan sa parking ng mga mall at nagkakaroon ng "deadlock" sa seguridad. Diin ng ahensiya, hindi dapat makompromiso ang seguridad ng mga mall.

Nakiusap din ang ahensiya na gawing alas-11 ng umaga hanggang alas-11 ng gabi ang mall hours upang hindi sumabay sa rush hour.

Dagdag pa nila, hangga't maaari ay dapat alas-11 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw lamang ang pagde-deliver ng mga produkto.

Dapat di umanong sumailalim sa pagsasanay ang mga security guard ng mall sa trafffic management.

Bagama't pakisuyo lamang at hindi isang pormal na utos ang mga napag-usapan, nagpahayag naman ng pagsuporta ang mga mall owner sa mga suhestiyon ng ahensiya.

Target na maipatupad ang mga ito sa Nobyembre.

Ipinarerebyu na rin ng ang sistemang ginawa ng mga shopping center nang nagdaang Pasko para makabawas sa traffic congestion sa Maynila.

Nanawagan din ang MMDA sa publiko na huwag sumabay sa weekend rush kapag mamimili at planuhin ang mga lakad nang mas maaga.

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.