Pasahe sa taxi, planong taasan upang makasabay sa serbisyo ng Grab, Uber

ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2017 07:58 PM

MANILA - Plano ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na taasan ang pasahe sa taxi upang makasabay sa serbisyo ng mga ride-hailing services gaya ng Grab at Uber. 

Para sa LTFRB, panahon na para itaas ang pasahe sa taxi ayon sa formula ng Grab at Uber, na base rin sa distansya. 

Halos maipapantay na rin anila sa pasahe sa Grab at Uber ang taxi rates, ngunit wala pa rin silang 'surge rates' o pansamantalang pagtaas sa pasahe ayon sa taas ng demand sa mga ride-sharing services. 

Ilalabas ang desisyon hinggil dito bago matapos ang buwan. 

Ayon naman sa ahensiya, dapat tumbasan ng taxi companies ng kalidad na serbisyo ang taas-pasahe. Matatandaang talamak ang reklamo ng mga pasahero sa mga taxi dahil sa mga driver na tumatanggi o pumipili ng destinasyon, o kaya'y nangongontrata. 
 
Ikinababahala naman ng grupo ng mga taxi driver na baka hindi sila piliin ng mga pasahero sakaling sumobra ang pagtaas ng pasahe.

Para naman sa ilang mga pasahero, sa ride-hailing services pa rin sila sasakay kung magkakapareho na ng pasahe. 

Hamon ito ngayon sa mga taxi operator na humiling ng taas-pasahe sa pangakong kaya naman nila ayusin ang mga unit.

Dagdag pa nila, para sa mga taxi driver naman ang dagdag-pasahe kung sakali dahil ayon sa Philippine National Taxi Operators Association (PNTOA), hindi rin sila agad manghihingi ng pagtaas ng boundary. 
    
Ayon pa kay Bong Suntay, pangulo ng PNTOA, nagsilipatan na nga ang mga taxi driver sa ride-hailing services dahil sa pagliit ng kita mula nang magkaroon ng Grab at Uber. 

Para naman sa LTFRB, mas marami nang mapagpipilian ang mga pasahero kung halos pantay na ang pasahe at serbisyo ng mga taxi at ride-hailing services. 

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.