TINGNAN: Higit sa 20,000 na itlog, sinira sa Ilocos Sur

Bryan Realgo, ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2017 05:59 PM

Ibinaon ng mga awtoridad ang 27,000 itlog mula Nueva Ecija at Pampanga na nakumpiska sa Ilocos Sur. Bryan Realgo, ABS-CBN News 

ILOCOS SUR - Sinira at ibinaon sa lupa dito ang 27,000 piraso ng itlog na galing sa Nueva Ecija at Pampanga, kung saan nauna nang tumama ang bird flu.

Naisakay ang mga itlog sa delivery truck na nakumpiska ng mga quarantine personnel ng probinsiya sa checkpoint sa bayan ng Tagudin. 

Umiwas umano ang driver ng delivery truck sa inspeksyon at nang tingnan ang mga dokumento, nadiskubre na ang dala niya ay isang dokumento upang maibiyahe ng mga itlog mula sa Magalang, Pampanga patungo sa Nueva Ecija noon pang Agosto. 

Ito ay paglabag sa kautusan ng Department of Agriculture na kailangang ilagay sa mga plastic containers ang mga ibabiyaheng itlog.

Ibebenta sana ang mga itlog sa mga pamilihan sa Ilocos Sur.

Dahil hindi sigurado sa kalidad ang mga itlog, nagdesisyon na lamang ang lokal na pamahalaan na sirain at ibaon sa lupa ang mga ito.

Nagbabala naman si Ilocos Sur Governor Ryan Luis Singson sa mga nagbabalak na magpasok ng mga walang dokumentong produkto sa lalawigan na hindi nila ito palalampasin.

Bukod sa pagkumpiska sa mga produkto, kukumpiskahin ang ginamit na sasakyan at pagmumultahin din.

Noong unang linggo ng Setyembre, idineklara ng Department of Agriculture na tapos na ang krisis sa bird flu matapos walang naiulat na bagong kaso sa loob ng 21 araw. 

Tinamaan ng bird flu ang ilang poultry farms sa San Luis, Pampanga at mga bayan ng Jaen at San Isidro, Nueva Ecija noong Agosto, kung saan daan-libong mga manok, pugo at itik ang kinailangang patayin upang maiwasan ang pagkalat ng sakit. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.