SPO2 na nagbanta nang mahatak ang jeep, sinibak sa puwesto, kakasuhan

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2017 08:32 PM

Dinisarmahan at sinibak na sa puwesto ang isang pulis sa Quezon City matapos pagbantaan ang mga kinatawan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na humatak sa kaniyang jeep dahil sa paglabag sa batas trapiko.

Astang nananakot kasi ang pulis na si SPO2 Ariel Aguilar, traffic enforcer mula sa Quezon City Police District (QCPD) Traffic Station 6, na operator din ng isang jeep na umano'y colorum at nagbaba pa ng pasahero sa "No unloading" zone habang sinisita ng MMDA.

Nakunan ng video ang insidente.

Hindi ikinatuwa ni MMDA Chairman Danny Lim ang ikinilos ni Aguilar.

Nang mai-report sa hepe ng QCPD, dinisarmahan at sinibak sa pagiging traffic enforcer si Aguilar.

Mahaharap din ang pulis sa kaso na hindi pa idinedetalye ng QCPD kung ano.

Ayon sa pamunuan ng MMDA, may kalalagyan ang mga mangha-harass, mananakot o mananakit sa kanilang mga tauhan na nagsasagawa ng clearing operations.

Babala ni MMDA Assistant General Manager Jojo Garcia, maaari nilang kasuhan ang mga pasaway.

Patuloy ang isinasagawang clearing operations ng MMDA sa mga illegal vendors na nagpapasikip sa mga kalsada, gayundin sa mga sasakyang ilegal na pumapasada o kaya'y nakaparada sa hindi dapat paradahan.

Naghahanda na rin ang MMDA para sa inaasahang pagbigat ng trapiko habang papalapit na ang Pasko.

--Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.