Pulis-QC, MMDA nagka-initan dahil sa towing ng jeep

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2017 12:57 PM

Huli sa video na pinagbantaan ng isang pulis-Quezon City noong isang linggo ang mga kinatawan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na bumatak sa kaniyang jeep dahil sa traffic violation.

Ayon kay Bong Nebrija, supervising officer for operations ng MMDA, hinuli ng Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) ang isang jeep na nagbaba sa no unloading zone sa Elliptical Road, pero tinakasan ito ng driver kaya nakipag-habulan ang MMDA.

Tumigil ang jeep sa Visayas Avenue at tumakbo paalis ang driver. Dahil inabandona na ng tsuper, binatak na ng tow truck ang jeep.

Bumalik ang driver matapos ang ilang minuto at nakipag-usap sa MMDA. Dumating din doon si SPO2 Ariel Aguilar na naka-uniporme, nagpakilalang may-ari ng jeep habang may bitbit na baril.

Aniya, ilegal ang pagbatak sa kaniyang unit at puwede siyang magkaso ng carnapping.

Sa cellphone video, maririnig ang banta ni Aguilar kay Nebrija na “magkakapatayan tayo” at mistulang susugod sa MMDA hanggang sa awatin na lang ng isang kasamahan.

Viral na rin ngayon sa social media ang naturang video.

Napag-alaman namang sa mga nakaraang araw ay may 3 pang jeep na pagma-may-ari rin umano ni Aguilar ang nabatak dahil sa ibang paglabag gaya ng pagiging kolorum.

Isinumite na ni Nebrija ang spot report ng nangyari sa MMDA legal division para sa paghahain ng kasong grave threats laban kay Aguilar. Nakarating na rin aniya sa tanggapan ni Quezon City Police District Director Guillermo Eleazar ang insidente.

Kinukuha pa ng ABS-CBN News ang panig ni Aguilar.