PAO chief nagbabala sa plano ng PNP na hukayin ang mga labi ni 'Kulot'

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2017 07:45 PM

Binalaan ng Public Attorney's Office (PAO) ang Philippine National Police (PNP) sa plano nitong paghukay sa mga labi ng 14-anyos na si Reynaldo De Guzman alyas Kulot, na kalilibing lang nitong Huwebes.

"Eh 'di maghukay sila nang ma-Ombudsman sila," ayon kay PAO Chief Persida Acosta.

Sinabi ni Acosta na kinukuha na ng Ombudsman ang files ng mga hawak nilang kaso, kabilang na ang pagpatay kay alyas Kulot at kaibigan nitong si Carl Angelo Arnaiz.

Nagpahayag na rin aniya ang Malacañang na ang National Bureau of Investigation na ang hahawak sa imbestigasyon sa kaso ni Kulot.

"May announcement na ang Pangulo na NBI na ang mag-takeover sa imbestigasyon. Bakit ayaw pa nilang patahimikin ang kaluluwa ni Kulot?," sabi ni Acosta.

Nagtataka ang PAO kung bakit biglang kinuhaan ng PNP ng DNA sample ang bangkay ni Kulot at ang mga magulang nito gayong positively identified naman ito ng kanyang mga magulang, gayundin ng mga eksperto mula PAO at NBI.

Kung ipipilit umano ng PNP na hukayin pa ang mga labi ni Kulot sa sementeryo ay hindi malayong maharap lang ang mga ito sa kasong administratibo.

Dagdag pa ni Acosta, walang DNA result na natatapos sa loob ng 2 hanggang 4 na araw lamang. 

Hindi rin aniya totoo ang mga naglabasang balita na hindi tuli ang bangkay na ibinurol ng pamilya nito sa Cainta.

Nauna nang inilabas ng PNP ang resulta ng kanilang DNA examination na nagsasabing hindi si Reynaldo De Guzman ang bangkay na natagpuang tadtad ng saksak sa Gapan, Nueva Ecija noong Setyembre 6.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.