Lalaking pinatay ang pinsan sa taga, arestado sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2017 11:52 PM

Arestado ang suspek na si Efren Flomar sa kabundukan sa Nueva Era, Ilocos Norte matapos nitong pagtatagain ang kaniyang pinsan. Larawan mula sa Nueva Era Police

NUEVA ERA, Ilocos Norte- Arestado ang isang lalaking pinagtataga ang pinsan na barangay tanod hanggang sa mamatay sa Nueva Era, Ilocos Norte.

Nahuli ng pulisya si Efren Flomar noong Martes sa kabundukan sa may Sitio Lasien sa Barangay Barangobong, isang araw matapos nitong mapatay ang pinsan na si Mario Flomar sa pananaga.

Ayon sa hepe ng pulisya ng Nueva Era na si Sr. Insp. Gerardo Mabini, nagtangka pa diumano ang suspek na tumakas nang makita ang mga pulis.

Pinagtataga ng suspek ang kaniyang pinsan na si Mario matapos maghamon ang biktima na tagain siya. Nagtamo ng mga sugat sa ulo at leeg si Mario.

Paliwanag ni Efren, nagawa lamang niya ang pananaga dahil punung-puno na ito ng sama ng loob sa biktima. Lagi raw kasi siya nitong pinapahiya at sinasabing wala siyang alam.

May alitan rin daw sa pamilya at ari-arian ang mag-pinsan.

“Maraming anggulo. Ayaw ko kasi ‘yung kung may alaga siyang baka, wala namang ibinabahagi sa nag-aalaga nito. Kapag nanganak, ibinebenta na lang," ani Efren.

Hindi raw nagsisisi si Efren sa kaniyang pagpatay sa kanyang pinsan.

Humaharap sa kasong homicide ang suspek na ngayon ay nakakulong na sa Ilocos Norte Provincial Jail. Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang pamilya Flomar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.