Kasambahay na 10 taong minamaltrato, nakatakas

Aleta Nieva Nishimori, ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2017 09:12 PM

Natapos na ang 10-taong kalbaryo ng isang kasambahay sa pagmamalupit ng kanyang amo matapos na makatakas noong Linggo mula sa pinapasukang bahay sa Novaliches, Quezon City.

Dumulog sa Lingkod Kapamilya nitong Huwebes si Levelyn Domegina, 40, upang ihingi ng tulong ang naranasan nitong pangmamaltrato mula sa kanyang amo.

"Ginulpi po ako ng babaeng amo,” kuwento ni Levelyn.

Sa kanyang ibinigay na salaysay, sinabi niyang naranasan niyang makurot sa iba't-ibang bahagi ng katawan, lalo na sa mukha at maging sa maselang parte. Inuuntog din siya sa pader at sinisipa, kinakalmot sa mukha at pinapalo ng kahoy at hose. Minsan umabot na din umano sa punto na pinaso siya ng plantsa sa kanyang mukha at madalas na pakainin ng pagkaing panis.

"Minumura po, sinasakal," dagdag niya.

Kuwento niya, wala siyang pagkakataong makalabas ng bahay noon para magsumbong sa kanyang sinipit.

Nagawa lang niyang makatakas nang umalis ang pamilya noong Setyembre 10.

"Alas-3 po lumabas po ako sa gate sa likod po. Pumunta po ako sa kaibigan kong labandera namin po sabi ko uuwi na ako sa Taytay hihingi lang po ng P200. Wala raw silang pera raw po. Nakita po ako ng isang babae, duguan po yung mukha ko po, tinulungan akong pumunta sa barangay po," sabi ni Levelyn.

Taong 2007 nang ma-recruit siya ng isang kakilala nila na mamasukan bilang kasambahay. Ang sahod niya sa pamamasukan ay ipinapadala na lamang umano ng kanyang amo sa kanyang pamilya.

"Never po na sinabi po sa amin yung address nung amo ng kapatid ko. Ang alam lang po namin sa Novaliches. Sa telepono lang po kami nagkakaroon ng contact sa kanya pero hindi po namin alam na pagka po siya ay tinatawagan namin, katabi na po pala niya yung amo niya," kuwento ng kanyang kapatid na si Marites.

"Ngayon lang po kami nagkitang magkakapatid," dagdag niya.

Hirap magsalita at magang-maga ang mukha ni Levelyn at may mga peklat sa pisngi. 

"Sinasabi po na siya daw ay nagnakaw. Kung siya po ay nagnakaw, di na po sana pinatagal ng ganun, 10 taong," sabi ni Marites.

Dagdag ni Marites, sa loob ng 10 taong, hindi nagawang makapag-day off ng kanyang kapatid dahil hindi ito nakakalabas ng bahay.

“Ginawa po nilang hayop kapatid ko. Ikinulong nila sa isang bodega na ang nakalagay mga empty bottle. Ang hinihigaan lang po niya ay karton lang. Inila-lock po siya doon kada aalis ang amo niya doon po siya iniiwanan para hindi po siya makalabas. Kung anong oras po sila babalik, maghapon, magdamag na nandoon lang kapatid ko, nilalamok, nagugutom hindi po nila pinapakain ng maayos,” sabi ni Marites.

Nangako naman ng tulong si Chief Superintendent Guillermo Eleazar, ang District Director ng Quezon City Police District.
Ayon kay Eleazar, nagsagawa na sila ng follow-up sa bahay ng amo ni Levelyn pero hindi nila ito naabutan doon.

“Nagtatago po yung sinasabing responsable. Naka-ready na po yung ipa-file nating kaso physical injuries pati na rin violation ng Kasambahay Law,” sabi ni Eleazar.

Bukod dito, pinagaaralan pa rin ng awtoridad ang mga kasong pwede pang idagdag tulad ng illegal detention.

“Matibay ang hawak nating ebidensiya ngayon,” sabi niya. Binanggit din niya na nagpahiwatig ng interes na tumulong sa kanyang kaso ang Public Attorney’s Office (PAO).
 
Ibinalita ni Marites ang mga tangkang pakikipag-areglo ng pamilya ng kanyang amo sa kanila.

 “Nung Monday, galing po kami sa Station 5, paguwi namin sa bahay dumating yung [amo] sa barangay namin na makikipag-areglo daw po. Sila ay humihingi ng sorry. Sorry na lang po ba sa ginawa nila sa kapatid ko?” sabi ni Marites.

Ibinahagi din nito ang tangkang pananakot sa kanila ng isa umanong nagpakilalang pulis na kamag-anak ng amo ng kanyang kapatid at ang pagpunta ng isang grupo ng kalalakihang naka-van na hinahanap ang bunso nilang kapatid.

“Yung asawa nung nagpasok sa kapatid ko palakad siya ng palakad ng kung sino-sino. Ngayon po may mga taong naka-van pinuntahan po yung bahay ng kapatid kong bunso. Yung lima nakapula, yung tatlo naka sibilyan hinahanap po nila yung kapatid kong bunso. Para ano? Bakit nila hinahanap?” kuwento ni Marites.

Payo naman ni Eleazar na huwag makipag-areglo. 

“Huwag po nating hahayaang ganun lamang. Wag po kayong pumayag sa ganun,” sabi niya, habang pinayuhan din niya ang mga ito na magtungo sa estasyon ng pulisya upang maresolba pa ang ibang ikinababahala ng pamilya. 

Nanindigan naman si Marites na hindi sila magpapa-areglo at ilalaban nila ang kaso hanggang kamatayan.

Para kay Levelyn, isa lang ang gusto niyang mangyari sa kanyang amo.

“Pakulong po.”

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.