2 hinihinalang kidnaper patay sa engkuwentro sa Imus

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2017 12:25 PM

MAYNILA - Dalawang hinihinalang miyembro ng kidnap for ransom group ang napatay sa engkuwentro sa Imus City, Cavite, Huwebes ng madaling araw. 

Kinilala ang mga suspek na sina Kumar Pardeep at isang alyas Hunny, kapwa Indian national.

Ayon kay Supt. Norman Ranon, hepe ng Imus police, sinundan ng Anti-Kidnapping Group ang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklong bumibiyahe at balak kumubra ng ransom.

Nakatunog aniya ang dalawang lalaki na sinusundan sila kaya pinaputukan ng mga ito ang mga pulis pagdating sa bandang Palanas Road, Anabu 1G. 

Narekober naman sa mga suspek ang dalawang 9mm pistols at hindi pa malamang halaga ng salapi.

Ayon sa mga awtoridad, hinihinalang ang dalawang nahuling suspek ang pumatay sa kapwa nila Indian na si Lilat Kumar kahapon, bago ito itinapon sa General Trias, at tumakas. 

Inaalam na din ng Anti-Kidnapping Group kung may connection ang dalawa sa 3 hinihinalang kidnaper na napatay rin sa engkuwentro sa Biñan City noong isang buwan.

Dagdag pa ng pulisya, karaniwang target kidnapin ng grupong ito ang mga kapwa nila Indian national.--mga ulat mula kina Noel Alamar, Henry Atuelan, at Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.