2 binatilyo patay, 2 kritikal sa pamamaril sa Bacoor

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2017 08:58 AM

MAYNILA - Patay ang 2 teenager, habang kritikal naman ang 2 pang lalaki nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Bacoor, Cavite, Miyerkoles, alas-9:00 ng gabi.

Dead on arrival sa ospital sina Raphael Jocas Catalan, 17, at Christian Paul Martin, 18, habang patuloy na sinusuri ng mga doktor sina David Dyoco, 51 anyos, at Edwin Mallorca, 62 anyos.

Sa kuha ng CCTV, makikitang nagkukumpulan ang apat na lalaking nag-uusap-usap sa Tito Avenue sa Barangay San Nicolas nang tumabi sa kanila ang isa sa mga salaring bumaba sa motorsiklo.

Isa-isang binaril ng salarin ang grupo bago sumakay ulit sa motorsiklo at mabilis na tumakas. 

Ayon sa isang saksi, maitim, nakasombrero at bilugan ang katawan ng bumaril. 

Narekober sa crime scene ang pitong basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril. Ayon sa punong barangay na si Eduardo Felizardo, posibleng motibo ang away sa gang na kasama ang mga binata.

Iniimbestigahan din ng Bacoor police ang anggulo ng droga sa pamamaril, lalo't gumagamit umano ang dalawang nakatatandang biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.