Sanggol, 2 pa sugatan matapos araruhin ng dump truck ang isang tricycle

Kim Lorenzo II, ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2017 06:39 PM

Dumiretso sa bukiran ang isang dump truck matapos araruhin ang isang tricycle sa Ilocos Norte, Martes. Retrato mula sa Solsona Police

Sugatan ang isang buwang sanggol at ang mga magulang nito matapos araruhin ng isang dump truck ang sinasakyan nilang tricycle sa Solsona, Ilocos Norte nitong Martes.

Inoobserbahan ngayon sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa Batac City ang isang pamilya matapos araruhin ng dump truck ang sinakyan nilang tricycle.

Ayon sa imbestigasyon, pauwi na ang mga ito sakay ng isang tricycle nang araruhin sila ng dump truck na minaneho ni Kenrick Manding, 22.

"Both na papunta sa solsona, nag-overtake 'yung truck. Hindi niya na-anticipate na may kasalubong siyang truck, so nung nakita niyang alanganin na siya sinakripisyo niya itong tricycle," ani Insp. Ralph Dayag, hepe ng Solsona Police.

Nayupi ang likuran ng tricycle at nasira naman ang harapang bahagi ng dump truck na dumiretso sa bukid.

Ayon kay Manding, mabilis ang takbo niya nang mawalan umano ng preno.

Sinubukan umano niyang i-overtake ang tricycle sa harapan niya para iwasan ito pero nabunggo pa rin niya ito.

"Mabilis ako pero malayo pa 'yung tricycle nawalan na ako ng preno. Kaya 'yun malapit na ako sa tricycle pinagitna ko 'yung sasakyan ko para iwasan siya pero biglang may sumulpot sa kabilang linya na truck rin. Talagang nawalan ako ng preno," ani Manding.

Pero duda ang pulisya dito dahil ayon raw sa mga nakakita, sobrang bilis at kaskasero ang takbo ng sasakyan ni Manding.

Nakapag-usap na sa istasyon ng pulisya ang kamag-anak ng biktima at ang driver ng truck at may-ari nito pero hindi sila nagbigay ng pahayag.

Hinihintay pa ng pulisya ang magiging pinal na usapan pero kung hindi ito maareglo ay haharap ang driver sa kasong reckless imprudence resulting inmultiple physical injuries at damage to property.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.