'Pinuno ng CHR, pinagbibitiw ni Alvarez para pagbigyan ang P650-M budget'

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2017 01:32 AM

Tumataginting na P1,000 ang inaprubahang budget ng Kamara sa tatlong ahensiya matapos ang huling araw ng deliberasyon ng 2018 National Budget sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Dahil sa mosyon ni 1Sagip Party-list Representative Rodante Marcoleta, P1,000 lang ang lumusot na pondo ng Commission on Human Rights (CHR) mula sa P650 milyon na pondong iminungkahi ng ahensiya. 

Katuwiran ni Marcoleta, panay batikos ng CHR sa gobyerno at walang ginagawa sa mga kriminal.

Nasa 119 na mambabatas ang sumang-ayon sa P1,000 na pondo habang 32 ang tumutol.

Sabi ni Ilocos Sur 2nd District Rep. Eric Singson, panalo na ang "pabor" na boto bago pa man magbotohan.

Dahil hindi nominal voting o pormal na pagtatala ng pangalan sa botoha, walang mailabas na listahan ang Kamara kung sino-sino ang bumoto pabor at kontra sa budget ng CHR.

Inililista lang kasi ng Kamara ang bilang at hindi ang pangalan para sa ganitong klase ng botohan.

Pero kung pagbabasehan ang kuha sa Kamara, kabilang sa mga tumutol sa P1,000 CHR budget ang mga kongresista mula sa Makabayan Bloc, Liberal Party, at si Deputy Speaker Bai Sandra Sema.

Para kay Anakpawis Party-list Rep. Ariel Casilao, nagmumukhang walang pakialam sa karapatang pantao ang Pangulo at mga kakampi niya sa Kamara.

Gascon, pinagbibitiw sa puwesto?

Ayon kay CHR Commissioner Gwen Pimentel, hinihingi ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang pagbitiw ni Chito Gascon, appointee ng nakaraang administrasyon, bilang pinuno ng CHR.

Kapalit nito umano ang pagpasa sa panukalang pondo ng CHR.

Pero ayon kay Gascon, kung magbibitiw siya, lalabas na pumapayag ang CHR na mapolitika.

Handa ang CHR na iakyat sa Korte Suprema at Senado ang reklamo ukol sa kanilang pondo.

Tingin ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat, paraan ng Kamara ang pagtapyas sa pondo para balikan ang mga kritiko ng administrasyon.

Sa isang pahayag, sinabi ng Liberal Party na parang pinayagan na rin ng mga mambabatas na dumami ang kaso ng pagpatay.

Tiniyak naman ng ilang senador na ipaglalaban nila ang mas malaking pondo para sa CHR.

Bukod sa CHR, P1,000 pondo rin ang inilaan ng Kamara sa Energy Regulatory Commission at National Commission on Indigenous People. 

Sa ipinasang P3.7 trilyong pondo, ang mga sumusunod na ahensya ang nakatakdang tumanggap ng malaking budget: Department of Education, Department of Public Works and Highways, Department of the Interior and Local Government, Department of Health, Department of National Defense, Department of Social Welfare and Development, Department of Tourism, Department of Agriculture, Autonomous Region of Muslim Mindanao at Department of Environmental and Natural Resources.

Witness protection program, malalagay sa alanganin

Tiwala naman si Human Rights Commissioner Leah Armamento na sa tulong Senado, maaaprubahan ang panukalang P650 milyong budget ng ahensiya.

Pero sakaling P1,000 lang talaga ang maiwang pondo sa ahensiya, mawawalan aniya ng pantustos ang CHR para sa Witness Protection Program nito.

Mahigit 10 testigo ang nasa pangangalaga ng CHR, na karamiha'y may banta sa buhay dahil sa giyera kontra droga.

Dagdag pa ni Armamento, mahihirapan ang CHR na magsagawa ng mga imbestigasyon dahil maski panggasolina'y mawawalan sila.

Apektado rin ang P10,000 ayuda ng ahensiya sa bawat batang biktima ng paglabag sa karapatang pantao.

Binubuwag ang CHR

Ayon kay Atty. Tony La Viña, dating dekano ng Ateneo School of Government, tila binubuwag na ang CHR sa P1,000 budget na inaprubahan ng Kamara.

Dagdag pa ni La Viña, lalong lalakas ang anumang kasong nakasampa laban kay Pangulong Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Puwede na kasing manghimasok ang ICC kung walang gagawin ang isang bansa sa mga paratang laban sa opsiyal na kinasuhan.

Bumanat din si United Nations special rapporteur Agnes Callamard.

Iginiit ni Callamard ang pangangailangan ng mga Pilipino sa malakas at malayang CHR dahil sa mga napapabalitang paglabag sa karapatang pantao kaugnay sa war on drugs.

-- Ulat nina RG Cruz at Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.