Pinaniniwalaang bangkay ni 'Kulot', inilibing na

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2017 03:09 PM | Updated as of Sep 14 2017 03:17 AM

Inihimlay na ang sinasabing mga labi ni Reynaldo de Guzman ngayong Miyerkoles.

Ito'y sa kabila ng hindi pagtugma ng DNA sample mula sa bangkay at sa mga magulang ni de Guzman na inilabas ng Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory nitong Lunes.

Pasado alas-8 ng umaga nang umalis ang funeral convoy sa Brgy. San Andres, Cainta, Rizal papuntang San Antonio Abad Church sa Pasig City para sa huling misa kay alyas "Kulot."

Dumating ang pamilya, kaanak, at mga kaibigan ni de Guzman sa Pasig Public Cemetery umaga ng Miyerkoles habang sinuotan ng bullet proof vest ang mag-asawang sina Lina de Guzman at Eduardo Gabriel dahil na rin sa protocol ng Department of Justice (DOJ) para sa mga nasa ilalim ng Witness Protection Program (WPP) ng ahensiya.

Pinayagan lamang ng mga bantay ng DOJ-WPP ang pamilya ni "Kulot" na masulyapan sa kahuli-hulihang pagkakataon ang kanilang anak ng halos 20 minuto sa sementeryo.

Matapos nito ay sinamahan ulit sila ng mga guwardya ng WPP kasama ang ilang mga miyembro ng Volunteers Against Crime and Corruption palabas.

Ayon kay Ernie Talabucon, hepe ng WPP-Intelligence Division, ididiretso ang mag-asawang Eduardo at Lina sa safe house ng DOJ.

Dagdag ni Talabucon, hindi pa matiyak kung isasama rin sa ilalim ng WPP ang mga kapatid ni "Kulot."

Aniya, kinailangang bilisan ang libing ni "Kulot" dahil pinatututukan na rin ang seguridad ng mag-asawang Lina at Eduardo laban sa umano'y posibleng banta sa buhay ng mga ito.

Hindi naman kinompirma ng mga DOJ-WPP kung kanino o saan nanggagaling ang banta.

Pahayag ng ina ni "Kulot", kahit ano pa ang mangyari, ipaglalaban niya ang kanyang anak at hindi niya papayagan na may ibang aangkin sa kanyang anak, dahil siguradong-sigurado raw sila na ang bangkay na natagpuan sa Gapan, Nueva Ecija ay ang kanilang anak na si de Guzman.

Nanindigan din ang ama ni "Kulot" na anak nila ang bangkay na nakuha sa Nueva Ecija dahil mayroon aniya silang pinanghahawakang death certificate na pirmado ng medico legal ng National Bureau of Investigation (NBI).

Inilibing si "Kulot" sa ikatlong palapag na apartment style sa Pasig Public Cemetery.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.