Maghapong nakaupo? 'Break' para makatayo ang empleyado, inaaral ng DOLE

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2017 09:48 PM | Updated as of Sep 14 2017 03:31 AM

Pinag-aaralan ngayon ng Department of Labor and Employment (DOLE) na magtakda ng "standing breaks" o break para makatayo naman ang mga empleyadong kailangang umupo nang matagal sa kanilang trabaho.

Ayon sa DOLE, kasalukuyan nang gumagawa ng pag-aaral ang Bureau of Working Conditions at Occupational Safety and Health Center kaugnay ng banta sa kalusugan ng mahabang oras ng pag-upo.

Ang resulta ng pag-aaral ang magsisilbing basehan ng ipatutupad na Department Order sa pagtatakda ng standing breaks.

Ngayon pa lang kasi, may ilang empleyado nang ramdam ang epekto sa katawan ng mahabang oras na nakaupo sa trabaho para harapin lagi ang computer.

Kuwento ng isang empleyado, madalas nang nangangalay ang kaniyang leeg at sumasakit din ang ilang bahagi ng katawan mula sa pag-upo nang matagal.

Malaking tulong aniya kung magkakaroon siya ng "break" para makapag-inat at makapaglakad-lakad kahit papaano.

Sabi ng DOLE. may mga kompanya namang nagbibigay na ng standing breaks sa mga empleyado nito.

Pero kung may kautusang ilalabas ang DOLE, mapipilitan ang lahat ng kompanya na tumalima sa standing breaks.

Maaaring mapanagot ang kompanyang lalabag sa utos, kapag nagkataon.

Samantala, ipatutupad na sa Setyembre 24 ang DOLE Department Order 178-17 na nagbabawal sa mga employer na pilitin o obligahin ang kanilang mga empleyado na magsuot ng high heels sa trabaho.

Itinakda rin sa parehong kautusan ang pagkakaroon ng "sitting breaks" o break para makaupo nang hanggang 15 minuto ang mga empleyadong dalawang oras nang nakatayo sa trabaho.

Pabor ang department order na ito sa mga sales personnel, guwardiya, at mga waiter.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.