Chief Justice, handang harapin ang reklamong impeachment

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2017 12:30 AM

Idineklarang "sufficient in form and substance" ng House Committee on Justice ang isa sa dalawang impeachment complaint laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Pumabor ang 30 mambabatas sa reklamo ni Atty. Lorenzo Gadon laban kay Sereno habang apat naman ang tumutol.

Inireklamo si Sereno ng "betrayal of public trust", "culpable violation of the Constitution", "corruption" at iba pang "high crimes".

Nag-ugat ang reklamo sa umano'y maling idineklara ni Sereno sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at ang kuwestiyonableng trabaho ni Sereno bilang punong mahistrado na walang pahintulot ng Supreme Court en banc.

Pero ayon naman sa mga kaalyado ni Sereno, may basbas ng Supreme Court en banc ang pagbili niya ng sasakyan at naniniwala silang hindi maituturing na "impeachable offense" ang kinita ni Sereno noong bago pa siya maging mahistrado.

Ibang usapan naman ang naging reklamo nina Dante Jimenez ng Volunteers Against Crime and Corruption at Vanguard of the Philippine Constitution Inc. president Atty. Eligio Mallari na ibinasura sa botong 28-5 dahil walang "sufficient form."

Puna naman ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas, ang nagamit na format ay para sa beripikasyon ng mga kongresista kung 1/3 ng Kamara ang mag-e-endorso ng impeachment ni Sereno.

Pumalag si Kabayan party-list Representative Harry Roque dahil iyon din aniya ang beripikasyon na nagamit sa impeachment complaint na inendorso niya laban kay Comelec chairman Andres Bautista.

Tanggap naman ng mga naghain ng impeachment ang hatol at handa na si Gadon sa mga susunod na hakbang.

Samantala, kinuhang tagapagsalita ni Sereno si Atty. Carlo Cruz, beteranong abogado na alumnus ng San Beda College of Law. 

Nagpasalamat si Cruz na naibasura ang reklamo nina Jimenez at Mallari laban kay Sereno.

Tiniyak din niyang handa si Sereno na makipag-ugnayan sa komite ng Kamara para harapin ang impeachment complaint.

Ipadadala na ng komite kay Sereno ang reklamo para makapaghain siya ng sagot sa loob ng 10 araw pagkatanggap nito.

Kailangan din munang magkaroon ng tugon si Gadon sa magiging sagot ni Sereno bago muling talakayin ang reklamo sa komite.

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.