Birthday girl inanod ng baha, natagpuang patay sa Laguna de Bay

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2017 06:05 PM | Updated as of Sep 14 2017 03:24 AM

MAYNILA - Isang araw matapos ang 3rd birthday ni Franzine Jade Monghe, palutang-lutang na bangkay na lang siyang natagpuan ng mga awtoridad sa Laguna de Bay. 

Isa lamang ang 3-taon gulang na babae sa 6 na residenteng inanod ng baha sa Barangay Parian sa Calamba, Laguna nitong Martes, kasagsagan ng bagyong "Maring."

Ayon kay Jessamae Monghe, nanay ng bata, sasadyain niya sanang umuwi kahapon mula sa kanyang trabaho sa Maynila para makapagdiwang sila ng kaarawan ng anak.

Sa tawag na lang siya nasabihan na naanod ang bahay nila kasama si Franzine at mga kapatid nitong si Eurika, 5 taon gulang; at si Eufracio, 1 taon gulang, na nawawala pa rin hanggayon ngayon.

Bandang 10:46 ng umaga nang makita ng mga nagsasagawa ng search and retrieval operations ang bangkay ng bata, suot pa ang puti niyang blouse at bluegreen na shorts.

Aabot sa 170 bahay ang inanod ng baha sa Barangay Parian, isang lugar na malapit sa San Cristobal River na siya namang umapaw dahil sa walang-tigil na ulang ibinuhos ng bagyong "Maring."

Bukod sa mga kapatid ni Franzine, nawawala rin ang mga anak ni Aries Mendoza na sina Aries Jr., 2, at John Edward, 4; at misis niyang si Eden, 28, na pawang mga inanod rin ng baha.

Higit 100 pamilya ang nananatili muna sa dalawang evacuation centers sa Barangay Parian. Ang ibang nasalanta ay nakituloy muna sa kanilang mga kamag-anak sa ibang lugar. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.