30 loose firearms isinuko sa La Union

Teomar Bautista, ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2017 09:48 AM

Umabot sa 30 loose firearms ang boluntaryong isinuko ng mga residente ng munisipalidad ng Tubao sa lalawigan ng La Union.

Kabilang sa mga naisukong mga baril ay kalibre .22, .24, .38 at mga shotgun. Sa kabuuang bilang, tanging tatlong armas lamang ang may papeles, ngunit paso na ang mga ito.

“Wala po silang nilabag na batas kasi ito po yung amnesty na kinausap namin sila, kung ayaw na nilang mag-surrender yun mag-initiate na kami ng legal police operation thru application of search warrant,” paliwanag ni Inspector Juan Jhayar Maggay.

Ang pagsuko ay bunsod ng paglungsad ng Tubao Municipal Police Station ng “Project Paltik” o Proactive Campaign Against Loose Firearms Towards Transforming and Illuminating the Key Players of the Community.

Inilungsad ang programa nitong Setyembre kasunod ng selebrasyon ng National Crime Prevention Month. Layunin nito na pababain ang bilang ng mga kaso ng illegal possession of firearms sa komunidad at hikayatin sila na huwag daanin sa paggamit ng armas ang pagresolba sa away.

“Nakausap namin sila. Wala kayong dapat depensahan sa sarili ninyo, kung meron mang iligalista sa barangay, i-report niyo sa amin para maisaayos natin, hindi na kailangan ng baril,” sabi ni Maggay.

Isa si Samuel Dacanay sa mga nagsuko ng kanya kalibre .22 sa pulisya.

“Wala rin akong prinoprotektahan na ari-ariang malaki at wala rin naman akong kaaway kaya sinurrender ko na lang,” sabi ni Dacanay na isa sa mga kapitan ng barangay sa munisipalidad ng Tubao.

Ngayong buwan, may dalawang kaso na ng illegal possession of firearms sa Tubao at 18 naman sa buong lalawigan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.