2 patay sa aksidente sa Davao City

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2017 09:59 AM

Dead on the spot ang 2 lalaki matapos na mabangga ang sinasakyan nilang motorsiklo Miyerkoles ng madaling araw sa Davao City.

Isa lamang ang nakilala sa mga nasawi. Ito ay si Christonie Cumaling. Inaalam pa ng Buhangin Police ang pagkakakilanlan ng kasama nito.

Ayon sa report, sumalpok ang motorsiklo ng mga biktima sa taxi na minamaneho ni Abelardo Umacob Jr., pasado alas-2 ng madaling araw sa diversion road Buhangin sa panulukan ng Jade Valley sa Davao City.

Sabi ng isang security guard, nakarinig na lang sila ng malakas na tunog nang magbanggaan ang motorsiklo at taxi.

Base sa imbestigasyon ng Buhangin Police, magkasalubong ang taxi at motorsiklo. Pumasok umano ang taxi sa lane ng motorsiklo na nagresulta sa disgrasya.

Malakas ang impact nang pagkakabangga dahil tumilapon pa ang dalawang sakay sa motorsiklo.

Halos nawasak din ang motorsiklo habang sira naman ang harapang parte ng taxi.

Agad namang dinala sa ospital ang taxi driver matapos magtamo ng sugat mula sa aksidente.

Mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide ang taxi driver.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.