Buntis na biktima ng Davao blast, pumanaw na

Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2016 07:06 PM | Updated as of Sep 13 2016 08:35 PM

Doble ang pagdadalamhati ngayon ng Pamilya Asperin, dahil higit isang linggo matapos ang pagsabog sa night market sa Roxas Avenue, Davao City, namatay si Vicenta Asperin. 

Naisugod pa sa Southern Philippines Medical Center and limang buwang buntis na si Vicenta, pero naging kritikal ito at na-comatose. Hindi rin maoperahan si Vicenta dahil ito ay nagdadalang-tao.

"Ang shrapnel nasa utak pa niya, hindi maoperahan kasi makakasama sa bata. Namaga yung utak niya, lalamunan at dibdib niya dahil daw sa pulbura," ani Agustina Lopez, kapatid ng biktima. 

Nagmamasahe lang noon si Vicenta sa Roxas Night market nang mangyari ang pagsabog. 

Walo silang masahista sa pamilya ngunit si Vicenta ang napuruhan. Ang kapatid ni Vicenta na si Abrile Deypalubos, nakaligtas man sa malagim na insidente, trauma naman ang inabot. 

Nagdesisyon ang pamilya na hindi na bumalik sa pagmamasahe. 

"Sinabihan pa siya ng ate namin na umuwi na sila kasi nga konti lang ang tao sabi ni besing na isa na lang at uuwi na lang sila," ani Lopez.

Si Vicenta ang ikalabinlimang namatay sa pagsabog sa Roxas Night market. Ikalabing-anim naman ang kanyang anak.