Bangkay nakita sa kahong inakalang may lamang bomba

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2016 10:00 AM | Updated as of Sep 13 2016 10:38 AM

MANILA - Natagpuan ang bangkay ng isang lalaki sa loob ng kahon na iniwan sa Macapagal Boulevard, Pasay nitong Lunes.

Pasado alas-4:30 ng umaga natanggap ng police Special Weapons and Tactics (SWAT) ang ulat ukol sa plastic na kahon na nakita malapit sa kanto ng EDSA at unang inakalang may lamang bomba.

Nakumpirma ng SWAT na nakatiklop na katawan ang laman ng kahon bandang alas-6 ng umaga.

Balot ng packaging tape ang ulo ng biktimang tadtad ng tattoo ang katawan.

Ilan sa mga naka-tattoo sa biktima ay ang mga pangalang Dennis Cruz, Aldin, JR, Toto, Ace Viray, Tampoy Hernandez, Macho, Kilabot, at Tigas Morales.

Walang sugat ang lalaki at nakanganga ang bibig, kaya hinihinala ng mga imbestigador na sinakal ito.

Naialis ang katawan sa kahon pasado alas-7:30 ng umaga at dinala sa punerarya.