Tanod pinagtataga matapos hamunin ang pinsan

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2017 03:47 PM

NUEVA ERA, Ilocos Norte- Patay ang isang 57-anyos na barangay tanod matapos nitong hamunin ang kaniyang pinsan na tagain siya.

Hindi na umabot ng buhay sa ospital si Mario Flomar matapos siyang pagtatagain ng pinsan na si Efren Flomar sa Barangay Barangobong noong Lunes.

Ayon sa imbestigasyon, tinaga ni Efren si Mario matapos sabihin ng biktima sa suspek na tagain siya. Nagtamo ng mga sugat sa ulo at leeg si Mario.

Nag-iinuman raw noon ang grupo ni Mario nang puntahan ito ni Efren na may dalang panaksak. Madalas umanong pagalitan ng biktima ang suspek at sinasabihan pa na walang alam.

"Sinabi ng suspek 'kunin mo itong patalim at tagain mo ako' pero sabi ng biktima 'ikaw na tumaga sa akin' at tinotoo ng suspek kaya nabigla at wala nang nagawa at hindi na nakaawat ang kainuman ng biktima," ani S/Insp. Gerardo Mabini, hepe ng PNP-Nueva Era.

Pinaghahanap na ngayon ang suspek na nagtago sa kabundukan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.