Pulis Cordillera kauna-unahang pulis na lumahok sa trail running sa France

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2017 06:32 PM | Updated as of Sep 12 2017 07:53 PM

Balik trabaho na si Police Officer 2 Miguelito Carranza matapos sumali sa Ultra-Trail du Mont-Blanc o World summit of trail running sa France.

Siya ang kauna-unahang pulis mula Pilipinas na lumahok sa 170- kilometer trail running, itinuturing na isa sa mga prestihiyosong trail running events sa mundo. 

Siya rin ang ikalawang Cordilleran na tagumpay na natapos ang karera.
    
Sa 2,581 na runners mula sa iba't ibang bansa, si Carranza ang ika-471 sa finish line.

Mula sa matataas na bundok ng France, dinaanan ng mga kalahok ang Switzerland hanggang Italy, at bumalik ulit sa finish line na nasa France.

Natapos ni Carranza ang trail sa loob lamang ng 37 oras at 1 minuto.

Pebrero nang magsimula siyang magsanay sa kabundukan ng Cordillera. Aniya, nakatulong ito para kayanin niya ang pagod, gutom at malamig na klima na umabot sa negative 15 degrees Celsius.

Proud naman kay PO2 Carranza ang kaniyang mga kasamahan sa Burgos Municipal Police Station.

Umaasa si Carranza na makatutulong ang kaniyang inuwing karangalan para kahit paano'y maiangat ang morale ng mga kapwa pulis. -- Ulat ni Teomar Bautista, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.