'Maring', lalong lumakas; baha at pagguho ng lupa, nananatiling banta

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2017 12:43 AM | Updated as of Sep 13 2017 12:44 AM

Lumakas pa lalo ang bagyong "Maring" na kumikilos ngayon patungong West Philippine Sea, ayon sa PAGASA.

Sa tala ng ahensiya alas-11 ng gabi nitong Martes, Setyembre 12, namataan ang bagyo sa 145 kilometro kanluran timog-kanluran ng Iba, Zambales.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometro kada oras (kph) malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 90 kph.

Kikilos ang bagyo pakanluran hilagang-kanluran sa bilis na 15 kph.

Nakataas ang signal number 1 sa mga sumusunod na lugar:

Zambales
Bataan

Makararanas ng katamtaman hanggang malakas na ulan ang Zambales at Bataan gayundin ang Tarlac, Pampanga, at Bulacan.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nabanggit na lugar sa banta ng landslide at flash floods.

Inaasahang lalabas ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong "Maring" pagsapit ng gabi ng Miyerkoles o sa umaga ng Huwebes, Setyembre 14.

Babala rin ng PAGASA, mapanganib ang pagpalaot sa seaboards ng Central Luzon, CALABARZON, at Mindoro dahil sa matataas na alon dulot ng bagyo.

Suspendido na ang klase sa ilang lugar sa Luzon dahil sa bagyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.