Ilang pasahero, napaakyat sa tuktok ng bus nang tumaas ang baha

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2017 09:45 PM | Updated as of Sep 13 2017 01:25 AM

Napilitang umakyat sa tuktok ng bus ang ilang pasaherong biyaheng Quezon nang malubog sa baha ang sinasakyan nila.

Lumubog sa baha ang Lazy Boy DLTB Bus sa Barangay Biga, Pitogo, Quezon Province nitong Martes, Setyembre 12, dahil sa malakas na ulan.

Dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig, pinili ng mga pasahero na umakyat sa itaas ng bus sa takot na abutin sila ng baha.

Kaniya-kaniyang diskarte rin sila para labanan ang lamig dulot ng pagkabasa sa ulan. 

Nakuhanan din ni Jannoel Palacay ng retrato ang DLTB bus na inabot ng baha.

Nagdulot din ang matinding baha ng halos apat na kilometrong trapik kung saan stranded ang halos 900 sasakyan.

Samantala, makikita naman sa Facebook post ni Ronald Roldan ang sitwasyon nitong Martes sa Barangay Sisirin, Pitogo, Quezon kung saan stranded ang sinasakyan ng kaniyang asawa at mga anak na Alps bus.

Ayon kay Roldan, maliban sa baha, may landslide din na naging dahilan ng pagkasira ng ilang bahay.

Sa Barangay Adja Bitaog sa Bayan ng Gumaca, lumubog sa baha ang ilang bahayan, palayan at palaisdaan.

Tinatayang aabot sa higit isang milyong piso ang halaga ng napinsala sa barangay.

Sa Bayan ng Padre Burgos, humarang sa mga sasakyang dumadaan sa Barangay Rizal ang ilang landslide.

Makikita rin sa kuhang retrato ng ABS-CBN News sa Barangay Binutas na natumba ang mga puno ng niyog dahil sa landslide.

Naantala din ang biyahe ng mga bus at iba pang sasakyan.

Patuloy pa rin namang inaalam ng mga awtoridad ang iba pang pinsala at halaga nito sa buong lalawigan.

Traffic din sa Atimonan dahil hirap dumaan ang mga sasakyan kasunod ng baha sa kalsada.

-- Ulat ni Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.