Ilang eskuwelahan sa Nasugbu, Batangas, binaha

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2017 01:12 AM

Binaha ang ilang bahagi ng Batangas kasunod ng ulang dulot ng bagyong 'Maring'. 

Sa Nasugbu, Batangas, walong barangay ang apektado ng baha.

Binaha rin ang ilang eskuwelahan tulad ng Nasugbu Senior High School 2.

Nagtulong-tulong ang mga guro, magulang, at estudyante ng paaralan para maisalba ang mga gamit sa mga classroom.

Sa Tanauan City naman, sumadsad sa damuhan ang isang government vehicle sa kahabaan ng Star Tollway.

Ayon sa driver, nawalan siya ng kontrol sa manibela dahil sa dulas ng kalsada.

Pinasok naman ng lagpas-tuhod na baha ang ilang bahay sa Barangay Sulpoc, Tanauan City. 

Apektado rin ang mga motorista dahil sa rumaragasang baha sa kalsada. 

Ayon sa Tanauan City rescue team, naiipon ang baha dahil sa mga nakahambalang na halaman o kawayan sa pinagdadaluyan ng tubig papunta sa creek. 

Nagsasagawa ng clearing operations sa mga sagabal sa daloy ng tubig para mapahupa na ang baha sa lugar.
 
-- Ulat ni Mariz Laksamana, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.