Hindi bababa sa 3 patay sa kasagsagan ng malakas na ulan

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2017 09:28 PM | Updated as of Sep 12 2017 09:47 PM

Hindi bababa sa tatlo ang patay sa kasagsagan ng malakas na ulan na naranasan sa ilang bahagi ng Luzon.

Patay ang magkapatid na binatilyo matapos madaganan ng gumuhong lupa ang kanilang bahay sa Barangay Dolores sa Taytay, Rizal nitong Martes ng madaling araw. 

Kinilala ang magkapatid na sina Justin at Jude Fundal, edad 14 at 17.

Kuwento ng kanilang inang si Judith, mahimbing na natutulog ang magkapatid nang biglang gumuho ang lupa sa itaas na bahagi ng bangin, bandang alas-5 ng madaling araw nitong Martes, Setyembre 12.

Nakatira ang pamilya Fundal sa ibabang bahagi ng bangin, malapit sa sapa, kaya nasalo ng kanilang bahay ang lahat ng lupa.

Nasugatan din si Judith sa kaliwang braso dahil sinalag niya ang nagbagsakang kahoy ng kanilang bahay.

Nakalabas naman agad ang iba nilang kaanak at tumawag ng saklolo pero hindi na nakaligtas ang dalawang binatilyo.

Pangarap sana ng magkapatid na iahon ang kanilang pamilya mula sa kahirapan at makahanap ng mas ligtas na matitirahan.

Ayon kay Judith, tatlong taon na silang nakatira sa may sapa at gusto na nilang umalis pero kulang pa ang kanilang pera para makalipat. 

Humihingi rin siya ng tulong para makahanap sila ng bagong tirahan. Umaasa siyang makakarating sa kanilang mga kamag-anak ang nangyari sa kanila.

Kasunod ng insidente, sapilitan nang inilikas ng mga pulis ang mahigit 100 pamilyang nakatira sa Purok 1B na malapit sa bangin. 

Pansamantala silang tumutuloy ngayon sa Hapay na Mangga Elementary School evacuation center.

Ayon sa barangay, nakikipag-usap na sila sa lokal na pamahalaan para ma-relocate ang mga pamilyang naapektuhan.

Babae, patay nang tangayin ng malakas na alon

Samantala, patay ang isang babae matapos tangayin ng malakas na agos habang naliligo sa ilog sa Barangay 177 sa Malibay, Pasay. 

Kasagsagan ng ulan nitong umaga ng Martes nang maligo sa ilog ang 12 anyos na si Lady Samantha Zamora at kaniyang mga kalaro.

Agad tinangay ng malakas na alon si Zamora, na hindi marunong lumangoy.

Nailigtas naman ng mga residente ang mga kalaro ni Zamora.

Makalipas ang isang oras, natagpuang wala nang buhay si Zamora sa bahagi ng ilog sa Maricaban, Pasay.

-- Ulat nina Kevin Manalo, Jeff Hernaez, at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.