Hagupit ng 'Lannie' at 'Maring': Hindi bababa sa 3 patay; 6 nawawala nang maanod sa flash flood

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2017 09:34 PM

Nakahanda na ang mahigit P800 milyong pondo ng DSWD para sa mga nasalanta ng bagyong 'Lannie' at 'Maring'.

- Limang bata, kabilang sa mga inanod ng flash flood sa Calamba, Laguna
- Patay ang binatilyong magkapatid na natabunan ng gumuhong lupa sa Taytay, Rizal
- Nalunod ang isang babaeng naligo sa ilog sa Pasay City

Nagulantang ang mga residente ng Purok Uno Barangay Parian sa Calamba, Laguna nang biglang rumagasa ang baha sa kanilang lugar.

Sa bilis ng agos ng tubig, hindi na raw nagkaroon ng pagkakataon ang ilang residente na makalikas.

Kuwento ng residenteng si Jofran Monge, alas-11 ng gabi nitong Lunes, Setyembre 11, nang mapansin nilang tumataas ang tubig sa ilog na katabi ng kanilang bahay.

Sinubukang dalhin ni Jofran ang mga anak sa bahay ng kapitbahay dahil may ikalawang palapag iyon, pero biglang rumagasa ang tubig at inanod ang tatlo niyang anak.

Tinukoy ang mga bata bilang ang isang taong gulang na si Eufracio Monge, 3 anyos na si Francine Jade Monge, at ang 5 anyos na si Eurika Monge.

Bukod sa magkakapatid, tinangay rin ng flash flood ang 2 anyos na si Aries Mendoza, 4 anyos na si John Edward Mendoza, at 28 anyos na si Eden Lacdao.

Ayon sa kapitan ng barangay, umabot na sa 145 ang bilang ng mga bahay na napinsala ng flash flood.

Itinuturing niya itong pinakamatinding pinsalang naranasan ng kanilang barangay.

Pansamantalang itinigil din ang rescue operations sa lugar dahil sa peligrong dala ng patuloy na pag-ulan at pag-apaw din ng katabing ilog.

Ang ilang nailikas, nananatili sa evacuation center o sa mga kamag-anak sa ibang lugar.

Maraming residente ang tumangging iwanan ang kanilang mga tirahan dahil sa takot na manakawan.

Ito'y sa kabila ng nagbabadyang muling pagtaas ng tubig sa lugar.

Hindi bababa sa tatlo ang patay

Patay ang binatilyong magkapatid matapos matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang bahay sa Taytay, Rizal nitong Martes, Setyembre 12.

Kinilala ang magkapatid na biktima na sina Jude, 17 anyos, at Justin Fundal, 14 anyos.

Nalunod naman ang 12 anyos na babaeng naligo sa ilog sa Pasay sa kasagsagan ng ulan nito ring Martes.

Nakuha ang labi ni Lady Samantha Zamora makalipas ang isang oras mula nang tangayin ng malakas na agos ng ilog.

Pondo ng DSWD para sa nasalanta

Base sa inilabas na datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, may nakalaan nang pondo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para matugunan ang mga nasalanta ng bagyong Lannie at Maring.

Mayroong nakalaang P836,623,830.73 pondo ang DSWD para sa agarang ayuda sa mga nasalanta. Kabilang na sa pondong ito ang halaga ng family food packs at non-food items na ipamamahagi sa mga apektadong pamilya.

-- May ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.