Buwanang kontribusyon sa Philhealth, balak dagdagan ng P75

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2017 11:18 PM

Aprubado na sa Kamara ang panukalang batas na "Universal Health Care".

Sa ilalim nito, iisang ahensiya na lang ang mamamahala sa health insurance ng lahat ng Pilipino.

Tatawagin ang ahensiyang Philippine Health Security Corporation, na papalit sa Philippine Health Insurance Corporation.

Mananatiling PhilHealth naman ang abbreviation o daglat ng ahensiya.

Sakaling tuluyang maisabatas, ipapasok sa PhilHealth ang pondong galing sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na kasalukuyang nagbibigay ayuda sa mga mahihirap na pasyente.

Kapag nagkataon, dadami ang mga miyembro na walang pambayad, ayon sa Philhealth.

Kaya naman pinag-aaralan ng PhilHealth na itaas ang buwanang kontribusyon na matagal nang nakapako sa P100 sa empleyado at tinatapatan ng employer ng P100.

Ayon sa tagapagsalita ng Philhealth, madaragdagan ng P75 ang P200 buwanang kontribusyon ng kada miyembro.

Nais malaman ng Employers Confederation of the Philippines kung kinakailangan nga ba talagang taasan ang halaga ng kontribusyon, o baka naman kakayanin ng ahensiya na pondohan pa rin health insurance na mga madadagdag na miyembro nito.

Para sa Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), isang samahan ng mga manggagawa, susuportahan nila ang dagdag singil kung ito'y magpapalawak at mapapabuti ng mga serbisyo ng Philhealth.

Nangangamba kasi ang ALU-TUCP na mapunta lang ang dagdag singil sa katiwalian o kaya sa bonus ng mga opisyal ng Philhealth.

Tinutulan din ng "Bayan Muna" ang dagdag singil dahil dagdag pahirap din daw ito sa mga miyembro ng PhilHealth na maaaring masapul din ng nakaumang na dagdag buwis sa ilalim ng tax reform package.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.