Bata, patay sa landslide sa Antipolo

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2017 05:18 AM

Natabunan ng gumuhong lupa at mga kawayan ang isang bata sa Sitio Gumamela, Barangay Santa Cruz, Antipolo nitong Martes.

Idineklarang dead on arrival sa Antipolo Municipal Hospital si Lebron James Alozo, isa't kalahating taong gulang.

Ayon sa inisyal na impormasyon, natutulog sa loob ng bahay nila ang bata kasama ang tagapagbantay nito. 

Sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan, nakarinig umano ng kalabog ang bantay ng bata kaya't agad itong lumabas ng bahay at naiwan ang bata sa loob. 

Tuluyan nang gumuho ang mga kawayan at lupa na dumagan sa bata. Nakuha ng Antipolo Rescue ang bata ngunit hindi na ito umabot nang buhay sa ospital.

Nasa Funeraria Oro ang labi ng bata habang naghahanap naman ng maaaring pagburulan ang mga magulang nito.

Samantala, mga pasa sa mukha at binti, at sugat sa ibat ibang parte ng katawan ang mga tinamo ng 12 anyos na dalagita na si Magrie Cerillo matapos itong madaganan ng mga gumuhong lupa habang bumubuhos ang malakas na ulan sa lungsod ng Antipolo.

Mabuti na lang at mabilis itong nahugot mula sa mga dumagan sa kanyang mga lupa at nadala agad sa ospital.

Patuloy naman ang paghahanap ng mga awtoridad sa 15 anyos na binatilyo na si Joshue Detera matapos mahulog sa creek sa lungsod.

Ayon sa barangay, tumatawid ang biktima sa creek kasama ang dalawa niyang kaibigan nang madulas ito at mahulog sa creek sa Cogeo Village. 

Malakas ang agos ng creek nang mangyari ang aksidente dahil sa kasagsagan ng pag-ulan sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.