Mag-aaral na napagkamalan umanong kriminal, patay sa pamamaril

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2016 11:24 AM

MANILA - Patay ang isang 17 taong gulang na estudyante sa Caloocan City matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek, Lunes ng madaling araw.

Hinala ng pamilya ng biktimang si Albert Lalin, napagkamalan itong sangkot sa iligal na gawain.

Natutulog ang criminology student na si Lalin sa kanyang inuupahang kwarto sa Kabulusan II, Barangay 20 nang pumasok doon ang ilang armadong lalaki at pagbabarilin siya, dakong alas-2:30 ng umaga.

Aabot sa pitong basyo ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril ang nakita sa loob ng bahay.

Kasamang naninirahan ng biktima sa bahay ang kaniyang nobya, ngunit hindi ito natulog doon nang mangyari ang insidente.

Iginiit naman ng pamilya ni Lalin na wala itong anumang bisyo, bagay na pinatotohanan ng kanyang mga kapitbahay na nagsabing mabuti ang asal ng binata.

Lumutang na ang ilang saksing nagsabing apat na motorsiklong may tig-dalawang sakay ang nakita nila sa lugar bago ang krimen. Nakasuot umano ng helmet ang grupo.
 
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pamamaslang.

Ang biktima ay mag-aaral ng University of Caloocan.