Negosyante ninakawan ng P1-M ng tauhan

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2017 10:05 AM

MAYNILA - Arestado ang isang pahinante at ang isa nitong kasabwat matapos umano niyang nakawan ng P1 milyon ang kanyang amo sa Tondo, Linggo ng hapon.

Kinilala ang pahinante na si Joshua Bulandres, na biglaan umanong nagpaalam na uuwi sa Dumaguete, at ang kasabwat naman niyang si James de Castro.

Ayon sa negosyanteng si Jorcel Cantila, may-ari ng isang katayan ng baka, nalaman niyang nawalan siya ng pera nang mag-audit pag-uwi mulang Batangas.

Nagduda si Cantila sa biglaang pag-alis ng pahinante at nagpasyang lumipad pa-Bacolod para salubungin ang trak na sinabayan ng kanyang tauhan.

Aminado naman si Bulandres na ninakawan nila ang amo pero tig-P8,000 lang umano ang kanilang nakuha ni de Castro dahil dala ng isa pa nilang kasabwat na si alyas "Ting-ting" ang iba pang pera.

Patuloy pang hinahanap ng mga pulis si alyas Tingting.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.