Magkapatid, nalunod sa ilog sa Butuan City

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2017 12:20 AM

BUTUAN CITY - Patay ang 13-taong gulang na batang si Julie Ann Lavenia at kapatid nitong 10-taong gulang na si Jelly nang malunod sa Taguibo River sa Butuan City Lunes.

Walang tigil ang pagluha sa inang si Joan nang makita niya ang kalunos lunos na sinapit ng kanyang dalawang anak na babae.

Sa tulong ng isang residente, nakuha ang mga labi ng dalawang bata sa lalim na tatlong talampakan.

Sinubukan pa niyang mailigtas ang mga bata pero wala nang buhay ang mga ito nang masagip sa ilalim ng ilog.

Ayon pa sa tiyahin ng mga bata na si Charlita, narining niya ang plano ng mga pamangkin na maligo sa ilog habang nananghalian, kaya't agad niya itong sinaway pero hindi siya pinakinggan ng mga bata.

Walang nakitang foul play ang mga pulis pero isasailalim pa rin sa autopsy ang mga labi ng mga bata para malaman ang sanhi ng kanilang pagkamatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.