Faeldon, nagpakulong sa Senado, pero ayaw nang dumalo sa pagdinig

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2017 01:12 AM

Tatlong oras nang gumugulong ang ika-8 pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa P6.4-billion shabu galing Tsina nang dumating sa Senado si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon.

Pero dumiretso siya sa office of the Senate Sergeant-at-Arms para magpakulong.

Pinuntahan ni Senate committee chair Richard "Dick" Gordon si Faeldon para kumbinsihing dumalo sa pagdinig.

Tumanggi umano si Faeldon at iginiit na sa husgado siya haharap.

Inirereklamo ni Faeldon ang estilo ng pagtatanong sa kaniya ni Senador Antonio Trillanes IV tungkol sa operasyon ng Customs at ang inilabas ni Senador Panfilo "Ping" Lacson na "tara list" o tala ng mga tumatanggap daw ng padulas sa Customs.

Mananatili sa kustodya ng Senado si Faeldon at papayagan lang makauwi kapag pumayag na siyang humarap sa Senate Blue Ribbon Committee o kung babawiin na ng komite ang contempt charges laban sa kaniya. 

Iginagalang naman nina Trillanes at Lacson ang desisyon ni Faeldon.

Giit ni Lacson, walang epekto sa kaniyang "tara list" ang pagtanggi ni Faeldon na humarap sa Senado.

May isa raw testigong ihaharap si Lacson na magpapatotoo ng lagayan sa Customs.

Sabi naman ni Gordon, halos tapos na rin ang lalamanin ng committee report sa usaping ito.

Ibinalik ng Senado ang pagbibigay-seguridad sa trucker-fixer na si Mark Taguba na nagsiwalat ng umano'y kalakalan sa pagpapasok ng kargamento sa Customs.

Sa Setyembre 19, Martes, mga lehitimong Customs broker naman at iba pang fixer ang pahaharapin sa Senado.
 
-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.