'Mock party' para sa kaarawan ni Marcos, pinangunahan ng mga kabataan

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2017 10:05 AM | Updated as of Sep 10 2017 09:51 PM

MANILA - Pinangunahan ng ilang kabataan ang "mock party" para sa ika-100 kaarawan ng dating pangulong Ferdinand Marcos sa isang bar sa Quezon City, Sabado.

Nagsuot ang mga dumalo ng mga maskara ng mukha ni Marcos at kanyang biyuda na si Ilocos Rep. Imelda Marcos.

Tampok sa party ang isang cake na nakahugis sa pananamit ng dating diktador. Binati ng mga naroon ng "happy birthday" si Marcos nang may kasamang pagmumura.

Inorganisa ang party ng grupong Kadamay, artist groups na RESBAK (Respond and Break the Silence Against the Killings) at Molotov Pilipinas, at ang social media group na Temperamental Brats bilang pagbalik-tanaw sa mga pang-aabuso noong panahon ng batas militar.

Nakilala ang pamilya Marcos sa kanilang marangyang pamumuhay at mga party sa 2-dekadang rehimen nila.

Ayon kay Gloria Arellano ng grupong Kadamay, kinokondena ng mga dumalo sa party ang umano'y pagkakapareho ng sitwasyon noong panahon ng martial law ni Marcos at ng kasalukuyan, kung kailan may nananaig pa ring batas militar sa Mindanao.

Dagdag ni Arellano, mas masahol pa sa batas militar sa Mindanao ang araw-araw umanong patayan, pagkawala, pag-aaresto at demolisyon na nararanasan sa Kamaynilaan.

Setyembre 11 ang kaarawan ni Pangulong Marcos na ipinanganak noong 1917.

Nagdeklara ang Malacañang ng special non-working holiday sa lalawigan ng Ilocos Norte para sa kaarawan ni Marcos. Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.