1 patay, 2 sugatan sa sunog sa ukay-ukay sa QC

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2017 09:06 AM | Updated as of Sep 11 2017 01:48 PM

MANILA - Patay ang isang empleyado ng tindahan ng ukay-ukay makaraang masunog ang kanyang pinagtatrabahuhan sa kanto ng Commonwealth at Tandang Sora sa Quezon City, Linggo. 

Nagtamo naman ng mga lapnos ang 2 pang kasamahan ng biktima. 

Natutulog ang mga biktima at nasa 4 iba pang empleyado ng 3J Riza's Surplus sa ika-2 palapag ng Tops Building nang magising ang isa sa kanila at nakitang nasusunog ang gusali dakong alas-3:30 ng umaga, ayon sa kasamahan nilang si Maribel Cuaresma. 

N

Napilitan aniya ang ilan sa kanila na lumabas sa pamamagitan ng pagtalon mula sa bintana. 

Pero dahil sa kapal ng usok, hindi na nila nagising ang mga kasama nilang sina Jonard Auditor, Arnel Tomas Atiyeng at Angelito Torazzo.

Nakuha lamang ang mga ito matapos maapula ang sunog alas-4:30 ng madaling-araw. 

Gayunman, nasawi kalaunan sa ospital si Auditor. Inoobserbahan pa rin ang lagay nina Torazzo at Atiyeng.

Iniimbestigahan pa ang sanhi ng sunog na posibleng may kaugnayan sa elektrisidad.

Inaalam din ang halaga ng natupok na ari-arian sa 7 establisyementong nasa loob ng gusali. -- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.