SOCO: Lalaking walang habas na nanaksak, nirespondehan ng mga pulis

ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2017 01:56 PM

 

Naging kritikal at maselan ang pagresponde ng Pasay City police nang mag-amok ang suspek na si Alberto Garan sa Central Park 2 Condominium noong Agosto 29, 2017.

Ayon sa Deputy Chief of Police ng Pasay na si Police Supt. Deanry Francisco, nakatanggap sila ng inisyal na report tungkol sa isang babaeng nalaglag sa 'di malamang palapag ng gusali, at agad silang rumesponde ng pasado alas-sais ng hapon.

"Nung nakita namin siya doon, nakahandusay na siya at wala nang buhay dahil sa taas ng kanyang binagsakan. Halos fractured ['yung katawan] lalo na 'yung ulo niya. Doon galing 'yung dugo,” pahayag ni Francisco.

Noong panahong iyon, naging palaisipan para sa mga pulis ang sanhi ng pagkamatay ng babae.

“Nung nahulog [siya] ang daming haka-haka na lumabas. Suicide ba ‘yun o aksidente? So hindi talaga namin alam kung ano’ng nangyari talaga,” ani Francisco.

Pero bago pa raw makaakyat ang mga rumespondeng pulis para siyasatin ang naturang gusali, nagsimulang magsibabaan ang ilang residente.

“Nagsisigawan na sila at may mga bumababa na,” banggit ni Francisco. 

“Nung may bumababa na, may nagsabi na may nagsasaksakan at may nanaksak kaya 'yung pulis natin antimano umakyat,” dagdag niya.

Nang puntahan ng mga pulis ang CCTV at marebyu ang kuha ng kamera, dito nila nakita ang isang lalaking may dalang patalim at walang habas na nananaksak.

Ngunit dahil sa kakulangan ng impormasyon tungkol sa pagkakakilanlan ng suspek, nagtawag ng back-up ang mga otoridad.

Naging problema din ng mga pulis ang paghahanap sa lalaki dahil mayroong 25 palapag at mahigit 2,900 units sa gusali.

“Ang ginawa namin, talagang nag-room-to-room clearing kami kasi nga hindi namin alam kung nasa’n yung assailant. Bulag kami. Sa safety protocol, iisa-isahin mo ‘yun para makasigurado ka,” ayon kay Francisco.

“Habang nagko-conduct kami ng room-to-room clearing, may mga tao pa sa loob. So 'yung iba na gusto nang bumaba, sinasamahan pa ng pulis natin pababa kasi ine-escort-an natin ‘yun. Baka mamaya, 'yung assailant nandiyan lang,” dagdag pa niya.

Paano nga ba nasukol ng mga pulis ang suspek? Panoorin ang special report ng ABS-CBN SOCO (Scene of the Crime Operatives) tungkol sa insidenteng ito ngayong Sabado, 4 p.m. pagkatapos ng "Ipaglaban Mo!" sa ABS-CBN.
 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.