Mortar, natagpuan sa likod ng barangay hall sa Iligan City

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2016 11:44 AM

Laking-gulat ng isang baranggay maintenance personnel nang matagpuan niya ang isang nakabalot na 81mm mortar sa basurahan may likod ng Baranggay Hall sa Bagong Silang, Iligan City. Kuha ni Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

ILIGAN CITY - Natagpuan ng baranggay maintenance personnel na si Galmer Manggubat ang isang nakabalot na 81mm mortar sa basurahan may likod ng Baranggay Hall sa Bagong Silang, Biyernes ng umaga.

Ayon kay Manggubat, magliligpit sana siya ng basurahan. Inakala niyang isang patay na aso ang nakabalot sa plastic pero nang binunksan niya, tumambad ang vintage bomb. Agad niyang inireport ito sa baranggay.

Ayon sa pulisya, live pa ang mortar pero walang mga nakakabit na wire dito.

Kasasagawa lang din ng orientation sa Explosive Ordnance Disposal (EOD) sa baranggay tungkol sa mga bomba kung saan nagbabala sila na posibleng sumabog ang mga vintage bombs kapag hindi nahawakan ng maayos.

Posible umanong may mortar ang isa sa mga dumalo at sa takot, itinapon ang itinatagong mortar.