Vaughn Dicang, nagtamo ng massive head injury: autopsy

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2017 08:39 PM | Updated as of Sep 08 2017 08:52 PM

Lumalabas sa autopsy report na nagtamo ng massive traumatic head injury ang Grade 12 student sa Baguio City na natagpuang patay sa isang creek matapos mawala ng halos isang linggo.

Dalawang doktor ang sumuri sa mga labi ni Vaughn Carl Dicang at lumalabas sa parehong report na nagtamo siya ng massive traumatic head injury.

Ayon sa kanyang kapatid na si Van Dicang, posibleng nahulog sa mataas na lugar si Vaughn.

Base rin sa eksaminasyon, apat na araw nang patay si Vaughn nang makita nitong Huwebes.

Wala rin umanong nakitang sugat, saksak, o tama ng bala sa kanyang katawan.

Binalikan naman ng pulisya ang lugar kung saan natagpuan si Vaughn at may nakitang tablet at kutsilyo, pero inaalam pa kung pag-aari iyon ng biktima.

Sabi pa ng pulisya, walang kaugnayan sa ilegal na droga ang pagkamatay ni Vaughn pero iniimbestigahan pa rin nila ang kaso.

Sinisilip din ang CCTV sa Barangay Balacbac kung saan posibleng dumaan si Vaughn at inaalam kung may kasama siya.

Balak namang magdagdag ng poste ng ilaw sa barangay at paiigtingin ang pagroronda ng mga tanod.

Setyembre 1 nang mawala si Vaughn matapos makipagkita umano sa kanyang mga kaibigan.

Ipinagtanong pa ni Van ang kinaroroonan ng kapatid sa mga kaibigan nito pero walang makapagbigay ng malinaw na impormasyon sa posibleng pinuntahan ng binata.

Ililibing naman agad si Vaughn sa oras na dumating ang ama nito galing Saudi Arabia.

-- Ulat ni Micaella Ilao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.