Mag-ama patay sa drug operation sa Nueva Ecija

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2017 08:28 PM

Patay ang isang lalaki at ang kaniyang anak sa isang buy-bust operation ng Nueva Ecija Provincial Police sa San Jose City, Nueva Ecija Miyerkoles.

Nabaril ang mag-amang sina Ernesto Parenyas, 55, at Jefferson Parenyas, 20, matapos umanong manlaban sa mga pulis na nagsagawa ng buy-bust operation sa kanilang bahay alas-3 ng madaling araw.

Ito'y matapos magpanggap ang isang kasamahan ng mga pulis na buyer, ayon sa police report.

Natagpuan sa tabi ng mga bangkay ang caliber .45 at .38 na baril.

May nakuha rin umanong drug paraphernalia sa pinangyarihan.

Ayon sa asawa ni Ernesto, wala umanong naganap na operasyon.

Inamin ng asawa ni Ernesto na dating sumuko si Jefferson dahil sa pagkakasangkot sa droga.

Dati namang sundalo si Ernesto subalit hindi ito nasangkot sa ilegal na droga.

Tumangging magpaunlak ng panayam ang hepe ng Nueva Ecija Provincial Police.

Bukas ang Philippine National Police sa anumang imbestigasyon.

-- Ulat ni Noriel Padiernos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.