Ina ni 'Kulot' kailangang patingnan sa psychiatrist: PAO chief

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2017 10:50 AM

Tutulungan ng Public Attorney's Office (PAO) na mapatingnan sa duktor ang ina ni Reynaldo de Guzman, ang 14-taong gulang na batang natagpuang patay sa Gapan, Nueva Ecija.

"Nakakita kami ng senyales na kailangan na siyang patingnan sa psychiatrist, sa duktor," Ayon kay PAO Chief Persida Acosta.

Napagalaman umano ni Acosta na Agosto 18 pa hindi makatulog ng maayos ni Lina Gabriel dahil sa pagaalala sa kanyang anak.

"Yan pala ay may sakit din so ni-refer na namin sa tamang duktor na eksperto sa post-traumatic stress," sabi ni Acosta.

Ito umano ang dahilan kung bakit tila paiba-iba na ng sinasabi ang ina ni "Kulot".

Una na nitong ibinunyag na isang "MJ" umano ang nagsabing plano nga nina Kulot at Carl Angelo Arnaiz ang mangholdap.

"Hearsay ho yun. Maraming hong pakawala para palitawin na holdaper yan," paliwanag ni Acosta.

Itinanong din ni Acosta kay Aling Lina kung anong ang basehan nito sa kanyang mga sinasabi.

"Yun daw po sabi ng pulis, sabi ng media, sa dyaryo. Sabi ko teka, mga sabi-sabi yun bakit ina-adopt mo? Kasi ho yun ang naririnig ko," kuwento ni Acosta sa panayam sa DZMM Biyernes ng umaga.

Ayon sa pulis Caloocan, nangholdap umano si Arnaiz ng isang taxi at napatay nang manlaban. Pero inabot ng 10 araw ang kanyang pamilya bago mahanap ang kanyang bangkay sa isang morgue sa Caloocan City.

Huling nakitang kasama umano ni Arnaiz ay ang kaibigang si Kulot, na kapitbahay din nila sa Cainta.

Halos tatlong linggo naman bago nakita ang nawawalang si Kulot, pero patay na ito nang matagpuan sa isang creek sa Gapan, Nueva Ecija nitong Martes.

Nagtamo ng halos 30 saksak ito sa katawan at ang kanyang ulo ay binalutan pa ng tape.

"Hindi ebidensiya yung 'raw'. Dapat nakita mo. Nasaksihan mo, naramdaman mo," sabi ni Acosta.

Paliwanag ni Acosta, mahirap para sa pamilya, lalo na sa ina, na tanggapin ang nangyari sa kanilang anak.

"Mahirap mawalan ng anak," sabi ni Acosta.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.