19 kaso, nakahain laban sa mga pulis sa gitna ng giyera kontra droga

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2017 10:17 PM

Umabot na sa 19 kaso ang nakahain laban sa mga pulis na nakapatay sa gitna ng giyera ng kasalukuyang admistrasyon kontra droga.

May 71 kaso ng pagpatay ang nakaabot sa tanggapan ng National Prosecution Service mula sa iba't ibang panig ng bansa.

Sa nasabing bilang, 35 kaso ang agad ibinasura ng Department of Justice (DOJ).

Samantala, 19 lamang ang naisampa sa korte at 17 dito ay naghihintay pa ng preliminary investigation para matukoy kung may probable cause para tuluyang asuntuhin sa korte ang mga inirereklamo.

Batay sa inilabas na imbentaryo ng DOJ sa mga kaso ng murder at homicide na may kaugnayan sa kampanya kontra ilegal na droga, 45 sa mga namatay dito ay nangyari sa ilalim ng lehitimong police operation.

Dagdag ng DOJ, 25 ang nangyari sa labas ng mga lehitimong trabaho ng mga pulis.

Wala namang naitalang kaso ng collateral death o mga nadamay lamang sa mga operasyon ng pulisya kontra droga.

Sa tala ng Dangerous Drugs Board mula Hulyo 2016 hanggang Agosto 29, 2017, mayroon nang 3,811 na napatay sa anti-drug operations ng pulisya.

Ayon naman sa ABS-CBN Investigative and Research Group mula Mayo 10, 2016 hanggang Agosto 29, 2017, umabot na sa 4,117 ang patay sa giyera konta droga. - DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.