Biyahera may 10 kilong marijuana, huli sa Naga

Kate Delovieres, ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2016 05:58 PM | Updated as of Sep 08 2016 05:59 PM

NAGA CITY – Arestado ang isang biyahera matapos ito mahuli ng mga pulis na may dalang mahigit 10 kilong cannabis, na kilala rin sa pangalang "marijuana" o "damo," Huwebes ng madaling araw.

Hindi nagpakita ng interes na magpaliwanag ang suspek na si Lorlyn Dumbrigue, 38, ng La Trinidad, Benguet, ukol sa dala nitong bloke-blokeng marijuana.

Nahuli si Dumbrigue sa isang buy-bust operation na isinagawa ng Regional Anti-illegal Drugs Special Operations Group at ng Naga City Police Intelligence Branch.

Sinalubong ang suspek ng mga ahente ng Anti-Drugs group at Naga police sa Bicol Central Station, kung saan ang droga ay umanong ibinigay nito sa mga operatiba kapalit ng perang may halagang P60,000.

Ayon kay Police Senior Superintendent Julius Munez, City Director ng Naga City Police, naniniwala sila na may mga regular na kliyente ang suspek.

“Sinisiguro namin ngayon kung may kinasasangkutang sindikato ang suspek na nagbibiyahe papuntang Bicol,” ani Munez.

May posibilidad din umano na isinabay ng suspek ang transaksyon nito sa Naga sa nalalapit na okasyon ng Pista ng Penafrancia, kung kalian dumadayo ang maraming deboto sa lugar.

Inihahanda na ngayon ng pulisya ang kaso nito laban kay Dumbrigue.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.