17 Vietnamese, nahuling nangingisda sa karagatan ng Pilipinas

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2016 09:18 PM

Nahuli ng Philippine Navy ang 17 Vietnamese na mangingisda sa karagatang bahagi na ng teritoryo ng Pilipinas. Kuha ni Ria Galiste, ABS-CBN News

VIGAN – Nahuli ng Philippine Navy ang 17 Vietnamese na nangingisda sa karagatang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas nitong Huwebes.

Nakita ang mga mangingisdang lulan ng tatlong bangka, 21 nautical miles bandang timog-kanluran ng Vigan sa Ilocos Sur.

Miyerkules pa umano nasa lugar ang mga mangingisda, pero Huwebes ng umaga lang nagkaroon ang mga otoridad ng pagkakataong hulihin ang mga ito.

Ayon sa Bureau of Immigration, walang kaukulang dokumento ang mga mangingisda sa pagpasok sa teritoryo ng Pilipinas.

Naidaong na ang tatlong bangka sa Salomague Port sa Cabugao, Ilocos Sur, kung saan din sila ininspeksyon ng mga otoridad kasama ang mga opisyal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Kuha ni Ria Galiste, ABS-CBN News

Ayon sa BFAR, na tumingin kung may nakuha ang mga mangingisda na mga ipinagbabawal hulihin na uri ng lamang dagat, mga malalaking tuna at pusit ang nakita sa mga bangka.

Tiningnan din ng isang doktor ang mga Vietnamese upang masiguro ang kanilang mabuting kalagayan.

Maaari umanong kasuhan ang mga mangingisda ng illegal entry at illegal poaching.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.